Matapos ang
mabiyaya at abalang apat na linggong pagdiriwang ng ika-36 na taon ng CBBC, ang
mga mananampalataya ay kinakitaan ng kagalakan at tagumpay. Tunay ngang pasasalamat at pagpupuri sa Diyos
ang namayani nang ihayag ng ating Pastor na ang kolektibong pagpapagal ng mga
butihing miyembro at manggagawa sa loob ng apat na linggo ay nagbunga ng
mahigit sa siyam na libong (9,859) bisita.
Sa Larangan ng Pag-aakay. Sa
mithiing magkaroon ng 10,000 na bisita, maituturing na tunay na tagumpay at
biyaya mula sa Diyos na Kanyang ginamit ang simbahan sa pag-aakay ng maraming kaluluwa
sa soulwinning at saturation ng bawat area sa loob ng mga nasabing linggo.
Pinaigting at pinagsikapan na maabot sa lahat ng makakaya ang mga lugar na
kailangang makarinig ng Salita ng Diyos
Sa Larangan ng Pagbibigay.
Ipinakita ng mga miyembro ang kanilang
pakikiisa sa gawain sa kanilang pagbibigay ng kanilang contributions at pledges
o commitments. Ang mga bisita ay umuwing
puno ng Salita ng Diyos at busog sa mga miryendang pinagsikapang inihanda ng church
members at workers. Naisagawa din ng bawat area ang soulwinning, Gospel
tract-distribution, panunundo at paghahatid gamit ang mga ipinagkaloob ng mga
pusong nagbibigay para sa gawain.
Sa Larangan ng Pagpapagal.
Di maipagkakaila na ang apat na linggo ay tunay na puno ng maigting na
pagpapagal sa gitna ng init, alikabok, pag-uusig, at ang umusbong na MERS
Virus. Sa kabila ng lahat ng iyon, ang bawat isa mula sa Area 1 hanggang 36 ay
nagpakita ng magalak na pagpupunyagi upang makamit ang layunin.
Sa Larangan ng Pagpapatuloy. Hindi ang paghinto at pamamahinga ang susunod nating hakbangin sa
natapos na pagdiriwang, kundi ang pagpapatuloy.
Kailangan ang pagpa-follow-up sa higit sa siyam na libong bisita upang
magkaroon ng bungang mananatili.
Magpatuloy din tayo sa pamumuhay nang may pagsunod sa Salita ng Diyos na
kakikitaan ng mundo ng ilaw ni Kristo na nasa ating puso. Ganundin ay magsikap tayo sa ating pagtayo nang
may paninindigan sa paniniwalang nakasalig sa Salita ng Diyos.
Sa
pagwawakas noong Pebrero 15, Linggo ng gabi, nagdiwang ang mga butihing
miyembro at manggagawang nagpagal para sa anibersaryo sa pamamagitan ng
malaking piging na ikinabusog ng marami. Nag-uumapaw ang litson, sari-saring
putahe ng ulam, kakanin, at miryenda sa mga mahahabang mesang inilatag sa kalye
at plaza ng Saint Francis Homes 2. Purihin at pasalamatan natin ang Panginoon
sa Kanyang patuloy na paggawa ng dakilang bagay sa atin sa pamamagitan ng Kanyang
simbahan.
No comments:
Post a Comment